Monday, May 14, 2012

Ang lalakeng walang pahinga

Parati ka na lang pagod, puyat, gutom, maraming iniisip, nabubuwang, nababaliw, napepressure, nabibwisit, nababadtrip...


Wala ka nang oras para sa sarili mo. Minsan yung oras ng pahinga mo, kung hindi hihingiin ng trabaho, nililimos naman ng kaibigan mo para makipaginuman ka o ng girlfriend mong matagal nang nagtatampo sayo at gusto kang makausap.


Gusto mong ipikit mga mata mo sa gabi, pero ginugulo ka ng utak mo sa pagkalampag nito na kelangan makahanap ka ng benta bukas, iniisip mo kung saan ka naman makakakuha.. sinong kliyente naman ang bobolahin mo para bumili ng serbisyo mo, baka magsisigaw nanaman yung boss mong lokal jan at pana.


Nasanay ka na sa amoy ng mga tao na hindi naliligo, pero hindi ka pa din nasanay sa kaibigan mong matampuhin dahil hindi mo siya sinasamahan sa paginom.. pati nadin sa girlfriend mo na hanggang ngayon hindi ka naiintindindihan sa sistema ng trabaho mo, minsan nga pinaghihinalaan ka pang nambababae. E putang ina.. siya nga hindi mo mabigyan ng oras, lalong lalo na sarili mong hindi mo na nga maasikaso tapos magdadagdag ka pa ng isang panggulo ng buhay?! Baliw ba yung girlfriend mo? Minsan naisip mo.. hayaan mo na. Miss lang ako nun kaya ganyan lang yan.. nagpapalambing. Kaso hanggang kelan bang ganito kayo? Minsan nakakasawa na tuloy.


Kinasal na yung kuya mo ng biglaan, at magiging tito ka na nitong darating na linggo.. hindi padin nakakatapos ng kolehiyo yung nakakabata mong kapatid na lalake.. hindi mo alam kung nababantayan ba ng maigi yung pagaaral ng pinsan mo na inalagaan mo nung sanggol pa ito, hanggang ngayon ba sakitin padin yung nakakabata mong kapatid na babae? Kamusta na ba yung ama mo na nasa barko?


Ano ba kakainin mo para bukas? Lalabahan mo yung damit mo at patutuyuin pero hindi mo na paplantsahin at itutupi kasi sayang sa oras. Kapag nagka ekstra kang oras na lang pumunta sa dentista mo at magbayad ng bills.. basta maisisingit mo din yun sa loob ng isang buwan.


Kaya kita minahal dahil jan..


Kahit na wala ka nang oras para sa akin. Kahit na naiisip mong hindi kita naiintindihan.. lingid sa kaalaman mo.. lahat ng pagdadrama ko e isa lang pagpaparamdam na andito ako. Nagpapapansin, nangungulit, nanggugulo.. para naman kahit minsan sa loob ng isang araw na puro problema sa trabaho ang iniisip mo.. andito lang ako. Sinusubukan ipakita na madaming tao ang nagmamahal sayo. At isa na ako doon.


Published with Blogger-droid v2.0.4

Saturday, May 12, 2012

Nurse Peeveee

Ang sarap sa pakiramdam maging busy. Oo nga, wala nga akong sinusweldo dun sa training ko sa Lung Center, napupuyat, nagugutom, napapagod, nagkakasakit paminsan minsan.. pero gustong gusto ko yung ginagawa ko. Yung pakiramdam lang na pinasalamatan ka ng pasyente mo dahil inalagaan mo siya sa loob ng walong oras, isang malaking premyo na sa akin yun. Isama mo na pati yung pasasalamat ng kamag-anak ng namatayan sa pagiging matyaga sa kanila, kahit pa na mailang beses nila akong nasungitan noon. Fullfilling kumbaga. Pagod man na umuuwi, masaya ako, ibang iba yung pakiramdam na nararamdaman ko kesa nung dating nagtatrabaho ako at sumusweldo na ang dapat ko lang gawin e ngumanga. Sana dati ko pa pala ginawan ng paraan na makapagtraining, edi sana yung anim na buwan kong tinagal dun sa dati kong trabaho.. naging makabuluhan. Sa ngayon.. gusto ko muna namnamin yung pagod at hirap na nararamdaman ko ngayon. Ang dami kong natututunan.